Kung bakit hindi ginamit ni Teodora Alonzo ang apelyidong Rizal

Kung hindi ko nabasa ang pahayagang Renacimiento Filipino noong isang taon sa Philippine National Archives, lilipas ang Agosto 16 ngayong 2011 nang hindi ko maaalala ang kamatayan ni Teodora Alonzo y Quintos, ina ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal. Eksaktong 100 taong patay na ang ina ng bayani. Kung babalikan ang pahayagang Renacimineto Filipino, makikita kung gaano kamahal si Teodora Alonzo ng mga Pilipino noong 1911.

Hindi mahulugang karayom ang sementadong kalsadang yari sa cobblestone (walang katumbas na salin sa wikang Filipino) sa Maynila sa araw ng kanyang libing sa dami ng mga taong nakikidalamhati sa pagpanaw ng 84 na taong gulang na ina ng bayani. Tulad ng nakaugalian noon, may banda ng musiko sa unahan at puno ng mga tao ang gilid ng kalsada. Marami ring taong nakasunod sa karwaheng hila ng kabayo. Sa likod ng karwahe, may mga taong nakasakay rin sa kabayo.

Parang dagat ng mga taong nakaputing may suot ring mga sinaunang sumbrero sa paligid. Maluwag ang kalsada ngunit puno ng mga tao. Malalaki ang mga bahay na yari sa kahoy at bato. Payat at di kataasan ang mga kahoy na poste sa gilid ng magkabilang kalsada.

Sa Santa Cruz, Maynila ipinanganak ang butihing matanda noong 9 Nobyembre 1827. Marami ang nakipaglibing sa kanya sa Maynila hindi lamang dahil sa ina siya ng isang bayani kundi dahil na rin sa kanyang mga sariling nagawang kabutihan sa kapwa at sa bayan.

Nasukat ang katatagan at lakas ng loob ni Teodora  Alonzo sa katindihan ng pag-uusig  ng mga Espanyol sa mga mapanlabang Pilipino. Sa panahong inuusig ang kanyang pamilya – mula sa matandang anak na si Paciano hanggang sa batang si Rizal (ikapito sa 11 anak niya) – pinanghawakan niya ang mga prinsipyong pinaghuhugutan rin ng lakas ng pambansang bayani.

Isa sa mga naging hamon sa matanda ang pagpapatawag sa kanya ng mga Espanyol dahil sa hindi niya paggamit ng apelyidong Rizal. Nangatwiran siyang hindi kaugalian ng mga Pilipinang gamitin ang apelyido ng kanilang asawa. Aral si Teodora Alonzo sa Colegio de Santa Rosa sa Maynila at mula sa pamilyang mga nakapag-aral rin at may kaya sa lipunang Pilipino noon kaya mas lalong pinalakas ng kanyang edukasyon ang kanyang paninindigan.

Idinagdag ito sa naunang kaso niya sa kanyang paglason umano sa kanyang hipag na napatunanayan namang hindi totoo sa hukuman. Ngunit hindi pa rin siya makaligtas sa galit ng mga Espanyol. Pinalakad nila ang matanda mula Ermita, Maalat, Pineda (Pasay sa kasalukuyan) hanggang Las Pinas.

Anang pahayagang Renacimiento Filipino: “ Sa bayang ito’y (Las Pinas) isinalin ng mga veterana sa guardia civil ang pagtatanod sa kanya. At noon di’y inilakad naman na ang pinagdaanan niya’y ang mga bayang Muntinglupa, San Pedro, Tunasan, Binyang, Sta. Rosa, Kabuyaw, Kalawang, Pila at Santa Cruz (Laguna).”

Naawa sa kanya ang mga taga-Binyang, Laguna at nakiusap sa mga guardia civil na isakay sa duyan ang matanda at sila na lamang ang maglakad para sa kanya ngunit hindi natinag ang mga guardia civil. Markado na ang pamilya Rizal simula pa lamang noong 1872 nang maganap ang pag-aalsa sa Kabite at patayin ng mga Espanyol ang tatlong paring Gomez, Burgos at Zamora.  Malapit na estudyante at nakatira si Paciano Rizal kay Padre Burgos noon.

Sinamsam ng mga Espanyol ang ari-arian ng pamilya Rizal sa Calamba noong 1890 kung kaya nagsilipat sila sa Maynila. Nakitira sila sa makabayang si Higinio Francisco sa Trozo (bahagi noon ng Binondo ngunit bahagi na ng Santa Cruz, Maynila ngayon), ayon pa sa pahayagan. Aabot pa hanggang sa ikatlong henerasyon ng kanilang angkan ang mga kasong ipapatong laban sa kanila (Encarnacion Alzona, Selected Essays and Letters of Jose Rizal, p. 31).

Bago pa ito mangyari, napaunlad ni Teodora Alonzo ang kanilang negosyong azucarera – (”nagmamatamis” ang ina ni Rizal, ayon sa pahayagan) at taniman sa Calamba. Inquilino o kasama (tenant) ang mag-asawang Rizal sa lupaing pinauupahan ng mga paring Dominikano sa Calamba ngunit dahil sa pag-aalsa ng mga magsasaka (may kinalaman kaya rito ang mga Rizal?) sanhi ng mataas na renta at buwis, nagalit ang mga Dominikano at nagtanim ng galit sa pamilya.

Bago mamatay ang butihing ina ng bayani, binigyan siya ng pabuya at pensiyon ng pamahalaan dahil sa mga nagawa ni Jose Rizal para sa bayan. Ngunit tinanggihan niya ito. Hindi umano siya nagpapabayad sa kanyang pagiging Pilipino. Kung marami rin lang umanong salapi ang pamahalaan kung kaya ipinamimigay ito, ipinapayo niyang babaan na lamang ang pagbubuwis sa mga mamamayan.

Hindi nakapagtataka kung bakit naging bayani si Jose Rizal.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s