Salamat po, Pilipina ako

Ipinaghele ako sa duyan ng dalawang babaing walang pangalan– isang Bisaya, ang aking ina; at isang Ilokana, ang aking lola. Dala ni Nanay ang kulturang masayahin at mapagmahal ng mga Bisaya; dala ni Mamang ang kulturang masipag at matapang ng mga Ilokano. Nakatutuwa. Dala ko sa puso at pagkatao ko ang kanilang magkaiba ngunit magkaugnay na mga kultura.

Pinatutulog ako ni Nanay sa kanyang awiting “may tanaman nga marampag” (may halamang malago) o sa kuwento ng Bundok Mandiwing na sa panaginip ko lang matatagpuan (may tunay palang Bundok Amandiwing, pinakamataas na bundok sa Leyte na matatagpuan sa bayan ng Dagami). Pinaliliguan ako ni Mamang at nilalagyan ng sabila ang aking buhok. Nakikipaglaro siya sa akin ng sungka. Siya rin ang nagturo sa aking magbasa at magsulat.

Sila ang mga babaeng mula sa hilaga at timog na humubog sa aking pagka-Pilipina sa kasalukuyang panahon.

Katoliko-sarado (nakakandado pa) si Nanay. Isa siyang mamaratbat (pinuno sa pagdarasal) sa sinilangan niyang bayan sa Palo. Karaniwang sinusundo siya upang mamuno sa pagdarasal sa namatay na kamag-anak o kababayang nakatira sa malalayong liblib na pook. Namumuno siya sa pangangadi (pagdarasal) sa wikang Waray. Kabisado niya ang mahabang litanya ng dasal na maindayog-pasiday (patula) niyang binibigkas na sinasagot naman ng mga taong (parasabat) dumalo at nakikiramay sa namatayan.

May iba’t ibang uri ng dasal na pinamumunuan si Nanay. Tinatawag ito ng mga mamaratbat na Santo Rosario (Holy Rosary), panghinutas (pahimakas), dasal sa patay (tresayo), at ika-cuarenta nga dias (ika-40 araw ng kamatayan).

Ayon sa Diccionario Bisaya-Espanol Para Las Provincias de Samar y Leyte ni Padre Antonio Sanchez noong 1895, nangangahulugang “de patay” ang salitang “mamarat.yon” bagay na nag-uugnay sa pamamaratbat sa pagpapahimakas sa patay. Binigyang-kahulugan rin sa diksyunaryo ang “pamaratbat” bilang “ paulit-ulit na pagsagot sa dasal” (akin ang salin).

Matatandang babae ang karamihan sa mga mamaratbat o pamaratbat na nagsasalin nito sa bawat henerasyon ng kanyang panahon. May mga lalaki ring mamaratbat ngunit mabibilang lamang ito sa daliri. Wala pa akong nakikitang lalaking mamaratbat sa aking pakikipanayam sa Samar at Leyte sa loob ng isang taon.

Tinanong ko si Nanay minsan kung bakit siya namumuno sa dasal. Ganito ang tugon niya sa akin: “Para kunta mabuligan ko pagtabok an kalag han tawon” ( Upang matulungan kong tumawid ang kawawang kaluluwa (mula marahil sa mundo ng mga buhay patungo sa mundo ng mga patay)-akin ang dagdag).

Naging aktibidad ng buong komunidad ang ritwal ng pagdarasal kung saan nagkikita-kita ang magkakamag-anak, magkakapitbahay at magkakapitbahay upang damayan at pagaangin ang pagdadalamhati ng mga nabubuhay. Kaya marahil may salitang dalamhati sa Tagalog: dalawang hati sa anumang mabigat na pakiramdam na dalahin ng nagluluksa ang isang hati; at aakuing dalahin naman ng nakikiramay ang isa pang hati.

Naghahanda ng pagkain ang nagpapadasal sa mga mamaratbat at sabay-sabay na nagkakainan pagkatapos ang mga dumalo sa padasal. Gumagaan ang pakiramdam ng namatayan. Ipinagbabawal ng mga Waray ang pag-awit at pagsayaw habang nasa burol ng patay. Ginagawa lamang ang pag-awit at pagsayaw sa mga piyesta, kaarawan at anumang piging na walang patay.

Mananalaysay ng kasaysayan si Nanay. Kilala niya ang mga ninuno ng mga namatayan. May listahan siya ng mga pangalan ng mga namatay na kamag-anak na iniisa-isa niyang tinatawag sa litanya ng pamatbat. Nakagugulat malamang nababanggit ang pangalan ng matandang Bancao, pinuno ng pag-aalsa ng mga Bisaya laban sa mga conquistadores noong ika-17 dantaon sa dasal ni Nanay at iba pang mamaratbat na narinig kong nagdasal sa iba’t ibang bayan ng Samar at Leyte!

May malakas namang impluwensya ang Simbahang Aglipayan sa pagiging Katoliko ni Mamang. Mga Carbonel-Novicio-Lagasca ang angkang pinagmulan ni Mamang sa La Union at Pangasinan. May mga malalapit kaming kamag-anak na paring Aglipayan, lalaki at babae, na may mataas na kamalayang pampulitika. Bagaman at matagal nang nangyari ang Pag-aalsang Novicio (1884) sa Pangasinan kung saan nilabanan ang mga opisyal sa pamahalaan dahil sa mataas na buwis at iba pa, marahil dito nagmumula ang pagiging mapanlaban ni Mamang sa mga umiiral na sistema sa kanyang lipunang ginagalawan.

Istrikta at mahigpit si Mamang sa kanyang mga panuntunan sa buhay bagay na kinamumuhian ko, ngunit siyang napapakinabangan ko sa pagharap sa mga pansarili kong suliranin. Palagay ko, nababalanse ng pagiging mapagmahal at malambot na katangian ni Nanay ang pagiging mapanlaban at matigas na katangian ni Mamang sa aking kalooban at pagkatao. Ang pinagsamang mga katangian nilang dalawa marahil ang dahilan kung bakit nakukuha kong pumanatag at kumilos nang mabilis sa panahon ng krisis.

Iginapang ni Mamang ang aking pag-aaral sa panahong nagkasakit at sumuko na sa hirap ang aking ama. Ugali ng mga Ilokanong unahin munang papag-aralin ang mga anak na lalaki, sumunod na lamang ang mga babae kung may matitira pang pampaaral. O kaya naman, ipataan sa ama at mga anak na lalaki ang mga hita at dibdib ng manok, gayundin ang bahaging malaman sa isda. Samantalang pakpak at paa ng manok o ulo at buntot na bahagi ng isda ang sa ina at mga anak na babae. Kadalasang gulay at sabaw na lamang ang masayang pinaghahati-hatian ng mga babae. (Isa ito marahil sa mga dahilan kung bakit higit na mahaba ang buhay ng babae kaysa sa lalaki sa Pilipinas).

Ngunit sinuong lahat ito ni Mamang at binali ang di-nakasulat na makalalaking tradisyong Ilokano. Pinag-aral niya ako sa Maynila sa paniniwalang may kinabukasan ako sa lungsod kaysa sa probinsya. Hinihintay niya ako sa aming balkonahe pag-uwi ko sa gabi habang nakabantay sa itinira niyang dinengdeng, inihaw na isda at mainit na kanin sa mesa. Matama siyang nagbabantay dahil baka maunahan ako ng mga kapatid kong lalaki o ng lalaking pusa sa aking dapat na hapunan.

Wala sina Mamang at Nanay sa nakasulat na kasaysayan tulad ng nakararaming babaing Pilipina. Mabuti-buti na nga lang na nababanggit ang mga babaeng nasa mataas at gitnang saray ng lipunang Ilokano tulad nina Gabriela Silang at Leona Florentino. Iyon nga lamang, laging nakadikit sa pangalan nila ang higit na sikat nilang asawa o anak. Ganito ang paglalarawan palagi sa kanila: Gabriela Silang, biyuda ni Diego Silang; Leona Florentino, makata at ina ni Isabelo delos Reyes.

Kasama sina Mamang at Nanay sa kulang sa kalahati ng populasyon ng Pilipinas. Sila ang nagpapainog sa lipunang Pilipino sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga anak, paglilinis ng bahay, paglalaba ng damit ng pamilya, pagluluto at marami pang gawaing-bahay. Sina Mamang at Nanay ang nagpapagaan at nagbibigay ng kahulugan sa buhay ng bayan.

Ibinabahagi ko ang salaysay na ito sa iba pang Pilipinang may katulad ko ring kasaysayan.

(Pahabol: Lagi kong inilalagay ang apelyido ng aking asawa sa dulo ng aking pangalan. Hinahayaan niya akong magsulat ng mga katulad nitong pangkasaysayang lathalain kahit na nakatambak ang hugasan sa lababo o hindi mawalisan ang aming tahanan. Tumutulong rin naman siya sa mga gawaing-bahay. Pinanatili ko rin ang ibinigay na apelyido ng aking ama sa gitna ng aking pangalan sa bisa ng batas ng Pilipinas. Sina Mamang at Nanay ang nagbigay ng aking unang pangalan; si Mamang ang nagmungkahi, pumayag naman si Nanay. Ito ang nagpapaalala sa akin ng kaugaliang pagpapangalan ng mga ina sa kanilang mga anak noong hindi pa dumarayo ang mga mananakop sa Pilipinas.)

2 responses to “Salamat po, Pilipina ako

  1. girlie villariba

    gloria, maaari bang itranslate itong sinulat mo tungkol sa Nanay mo at lola mo sa English para serye ng babaylanship na sinusulat ko?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s