‘Yang pagtitimpla ng kape (Para kay Hernan)

(Isinulat ko ang tulang ito para sa asawa ko isang Pebrero 14, maraming taon na ang nakalilipas. Nawala na ang kopya ko nito at muli lamang nakita online kanina. Maraming salamat kay amaykalikasan sa pagpopost. Oh, Tats, ipinagtitimpla na kita ng kape ah.)

Ipagpatawad mo, mahal
kung hindi kita ipagtimpla ng kape,
Baka malasing ka sa sobrang tamis
ng aking timpla,
makalimutan mong nasa panahon tayo
ng digma.
Ang pagkaidlip mo’y mangangahulugan
ng pagkabundat ng mga kongresista
sa milyun-milyong badyet sa turon habang
ang sambayanan ay nagugutom.
Baka makalimutan mong tumaas na naman
ang presyo ng langis,
at ang kabuhayan natin ay nasa krisis.

Ipagpatawad mo, mahal
kung hindi kita ipagtimpla ng kape.
Baka madarang ka sa sobrang init
at makalimutan mong magsuot
ng hatol ni Secretary Flavier na kapote.
Laksa-laksang bata ang ngayo’y nasa kalye,
inaalimura ang kapwa at ang sarili.
Marahas ang kalsada at tahanan,
hindi tiyak kung may bukas
pang daratnan.

Ipagpatawad mo, mahal
kung hindi kita ipagtimpla ng kape.
Baka iba ang maihain ko:
Brewed, instant coffee or me?
Sa panahon ng pagtatanong,
hindi ka tiyak sa sarili.
Minsan, ang pag-ibig ay simpait
ng kagigiling na sariwang kape.
O singlabnaw ng kapeng ilang ulit
nang pinakuluan sa takure.
O singpeke ng instant coffee.
Tulad ng pag-ibig, mahirap magtimpla
ng tunay na kape.

Ipagpatawad mo, mahal
kung hindi kita ipagtimpla ng kape.
Baka ako’y maikulong mo sa hawla
ng daang taong pagkaalipin ng mga babae.
Obligasyon itong itinago sa saya ng pagmamahal
O sa bulsa ng matrimonya.

Ipagpatawad mo, mahal
kung hindi kita ipagtimpla ng kape.
Hindi nasusukat sa isang tasang kape
ang aking pag-ibig.

by: Gloria E. Melencio

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s