May bagong paraan sa pagluluto ng bagoong

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maisip kung saan galing ang salitang bagoong. Malamang na hindi naman ito nanggaling sa salitang “bago” dahil ubod ito nang tagal na inaasinan at niluluma sa kawayan, garapon, bote, at anumang lalagyang puwedeng magbagoong ito sa tagal. Mas matagal ang bagoong, mas masarap ito sa mga Pilipino.

Pero galing sa salitang bagoong ang nabalagoong. Ibig sabihin, natagalan. Matagal na taya, halimbawa, sa paglalaro ng tumbang preso, jack stone o anupamang laro ang isang nabalagoong. Kapag lalaki o babae naman ang sinabihan nito, nangangahulugang napag-iwanan na siya ng panahon at hindi na nakapag-asawa.

Ang lola kong Ilokana ang unang nagpakain sa akin ng bagoong isda. Lumaki ako sa pagkaing dinengdeng at inabraw, may iba’t ibang klase ng gulay na hinahaluan ng sinalang bagoong isda. Nang namatay na ang lola ko, ako na ang naging official dinengdeng cook ng pamilya. Hihintayin pa ako ng tatay ko kung saan mang lupalop ako nanggaling para magpaluto ng dinengdeng. Sinasabihan niya ang nanay kong isang Bisaya na tanging ako lang daw ang magluluto ng dinengdeng dahil huli ko ang lasa ng luto ni Mamang.

Para sa isang Pilipinas na may mahigit 7,000 isla, maraming uri ng isdang ginagawang bagoong. Bagoong alamang ang bagoong sa Katagalugan. Mula ito sa alamang na nilalagyan ng maraming asin at iniimbak nang matagal sa lalagyan. Banaw naman ito sa Kabisayaan. Maliliiit itong isdang ibinabad rin sa asin. Padas naman ito sa Pangasinan.

Nakikilala raw ang Pilipino sa pagkain ng manggang hilaw at bagoong. Naalala ko ang isang kaibigang French na naninirahan dito sa Pilipinas. Nagtataka raw siya kung ano ang iniluluto ng kapitbahay niya dahil sa kakaibang amoy nito. Naisip daw niyang pagkain ito ng unggoy dahil may alagang unggoy ang kapitbahay niya. Humingi naman siya ng paumanhin sa akin bago niya sabihing bagoong pala ang naamoy niya.

Gayundin ang isang kaibigang Pinay na asawa ng Dutch. Naipamana niya sa mga anak niyang mestiso at mestisa ang pagkain ng bagoong at manggang hilaw. Tumitiyempo lang daw silang wala sa bahay nila ang kanyang asawa. Doon sila sabik na kumakain nang nakakamay ng ipinagbabawal na pagkain ng asawa niya. Ilang beses daw silang naghuhugas ng kamay at nagsesepilyo ng ngipin kapag paparating na ang kanyang asawang Dutch para hindi sila mabisto ng mga anak niya.

Para sa mga overseas Filipino worker o iba pang Pilipinong nasa ibang bansa na sabik na makatikim ng bagoong pero hindi naman makakain nito, narito ang vegetarian bagoong na puwedeng pamalit sa bagoong ng Pinoy. Gagamit ito ng tawsi (puwede kahit iyong nasa lata), luya,atsuete (puwedeng wala), kamatis at mantika. Nilalagyan ko ito ng gata sa halip na mantika at dinaragdagan din ng tanglad kapag may halong gata. Narito ang paraan:

  1. Gilingin sa blender ang tawsi. Ibukod.
  2. Pakuluin sa gata ang tanglad. Alisin ang tanglad kapag nangamoy na.
  3. Ibuhos ang giniling na tawsi. Ihalo ang katas ng atsuete.
  4. Ihalo ang luya at kamatis. Pakuluin. Haluin.
  5. Lagyan ng kaunting asukal kung maalat ang timpla.
  6. Kung gata ang inilagay, papagmantikain ito. Kung mantika naman, hayaang maiga.

Puwede itong iluto kahit saang bansa. Hindi ito mangangamoy nang malansa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s