Bago mauso ang Simbang Gabi sa Pilipinas

Noong unang panahong wala pang simbang gabi, inoobliga ng mga prayle ang mga Indiong magsimba at dumalo sa misa araw-araw . Pinapagalitan nang matindi ang mga hindi nagsisimba. Maraming pagkakataong nilalatigo pa at pinapalo ng mga prayle ang sinumang hindi nagsisimba. Kilala ng mga prayle ang bawat indibidwal at pamilyang nasa kanyang parokya kaya hindi puwedeng lumusot.

Mula sa panahong pinapalaki pa ng mga pari ang kanilang sakop na parokya, dinadalaw nila ang mga Indio kaya alam nila kung saan nakatira ang mga ito. Minsan, nagulantang ang isang Pranses nang pagpapaluin sa kalsada ng isang paring Espanyol ang isang babaing Indio dahil hindi niya raw ito nakitang nagsimba noong Linggo. Nangatwiran daw ang babaing may sakit siya at hindi makabangon pero nagalit pa lalo sa kanya ang pari.

Ayon sa Pranses sa Chronicles of Manila, naawa daw siya sa babae. Ito daw ang kalakaran kahit saan sa Pilipinas. Sa History of the Bisayan People, may ganito ring kuwento ang paring Augustinian na si Ignacio Francisco Alcina, hinahampas niya rin (kahit kilalang mabait na pari sa mga Bisaya si Alcina) ang mga lumiliban sa pagsisimba.

Kaya nang dumating ang araw ng Kapaskuhan, pinoproblema ng mga pari kung paano mapagsisimba ang mga Pilipinong magsasaka ang karamihan. Katwiran kasi ng mga magsasaka, kailangang maaga silang magpunta sa bukid upang magtanim o maglinis ng kanilang mga pitak at taniman. Hindi sila makakapunta pa sa simbahan galing sa bukid lalo pa at marumi o malupa ang katawan pati mga paa’t kamay nila.

May naisip na paraan ang mga pari: Papagsimbahin sa madaling araw bago magpunta sa bukid ang mga magsasaka. Sa ganito malinis pa sila, hindi basa sa bukid at hindi pa pawisan. (Naalala ni Alcinang halos himatayin siya sa amoy ng isang magsasaka nang magsimba itong “may kakaibang ipinahid na pabango.” Sabi sa kanya  ng mga Bisaya, “anghit” daw ang tawag doon. Inakala ng paring Espanyol na isang uri ito ng herb na ipinapahid sa katawan dahil mahilig magpabango ang mga Indio, anya. Hindi niya alam kung ano ang tunay na kahulugan ng anghit. Naisahan siya ng mga Pilipino.)

Balik tayo sa simbang gabi. Nagbigay ng instruksyon ang mga prayleng kailangang gumising nang madaling araw ang mga magsasaka na hindi naman mahirap sa kanila dahil sadya namang ito talaga ang oras ng gising nila. Kaya nga may mga sawikain tayong “bago pumutok ang araw” o “unang tilaok ng manok” na nagaganap sa alas-tres ng madaling araw.

Misa de gallo ang tawag ng mga paring Kastila dito. Misa ng mga tandang o misa sa madaling-araw ang tahasang salin nito sa Tagalog.  Simbang gabi ito para sa mga Indio dahil pupungas-pungas pa ang mga Pinoy bago pa man tumilaok ang mga manok. Siyempre pa, kalembang ng kampana ang tiyak na nanggigising sa kanila at kailangang nasa simbahan na pagsapit ng ikaapat ng umaga.

Ngayong ika-21 siglo, nagpapatuloy ang simbang gabi mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 24.  Pinakahihintay ito ng kabataan (kahit itanong pa ninyo sa asawa ko noong kabataan niya) dahil bukod sa maraming pagkain tulad ng puto-bumbong, kutsinta at puto, marami ring dalaga’t binatang nagsisimba.

Pinakahihintay rin ito ng mga bata dahil hudyat ito ng simula ng kanilang pangangaroling kahit na maraming “patawad po” ang kanilang matanggap. Kapag sinuwerte kasi’y pera at kendi naman ang mapaghahatian nila gabi-gabi kasabay ng simbang gabi.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s